Pasado alas nuebe kagabi ng makalapag sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport ang eroplanong sinasakyan ng apatnapu’t siyam na mga Overseas Filipino Workers na na-stranded sa Hong Kong.
Ang mga ito ang ikalawang batch sa daan-daang Pilipino na naloko umano ng Peya Travel Agency sa Hong Kong na nagbenta sa kanila ng pekeng airline ticket papauwi ng bansa.
Sa kabila ng pagod at galit ng mga OFW, naibsan ito ng mabilis na aksyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na nag-areglo ng mga airline tickets para sa mga OFW sa kooperasyon ng Philippine Airlines at Cebu Pacific.
Naglaan ng pansamantalang accommodation ang OWWA sa isang hotel sa kanilang opisina hanggang sa matulungan ang ilan sa mga OFW na makauwi sa kani-kanilang probinsya.
Bagaman hinihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga OFW na manatili na lamang sa bansa, tutulong ang OWWA sa mga OFW hanggang sa pagbalik ng mga ito sa Hong Kong.
Ang inareglong round trip ticket ng mga OFW ay naka-schedule na bumalik ng Hong Kong sa January 8 ng kasunod na taon.
Para sa mga nais dumulog sa OWWA, maaaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng kanilang Hotline Number (02) 551-1560 o sa pamamagitan ng text messaging sa numerong 0917-TXTOWWA.
Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) 24/7 Operation Center:
hotline: (+632) 551-1560 / (+632) 551-6641
text: 0917-txtowwa (or 0917-898-6992)
trunk line: 891-76-01 to 24 loc 5516-5519
e-mail: owwa_opcenter247@yahoo.com
website: www.owwa.gov.ph
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )