Patuloy na nadaragdagan ang mga nasawi sa pagdaan ng severe tropical storm Vinta sa Mindanao.
Sa pinakahuling ulat ng Police Regional Office 9, umakyat na sa 46 ang namatay, 9 ang nasugatan habang nasa 81 pa ang nawawala.
3, 725 naman na mga residente ang lumikas. Maraming bahay, ari-arian ang at mga pananim ang nasira.
Karamihan sa mga nasawi kasama ang tatlong buwan na sanggol ay dahil sa matinding baha bunsod ng biglang pagbuhos ng malakas na ulan kasama ang malakas na hangin.
Pinaka naapektuhan ng bagyo ay ang probinsya ng Zamboanga del Norte partikular na ang mga munisipalidad ng Sirawai, Sibuco, Siocon, Salug, Sindangan, Labason, Gutalac, Leon Postigo at mga lungsod ng Dapitan at Dipolog.
Samantalang sa Zamboanga Sibugay, ang munisipalidad ng Kasabalan ang pinaka naapektuhan kung saan tatlo ang namatay at isa ang nawawala.
Patuloy naman ang ginagawang search and rescue operations para sa mga nawawala. Gayundin ang relief operations ng mga local government units, at mga otoridad para sa mga pamilyang nanatili pa rin sa mga evacuation centers.
Ito na ang pinakamapaminsalang bagyo na dumaan sa rehiyon kumpara nitong mga nagdaang taon.
Matatandaang mahigit sampu rin ang namatay sa lugar karamihan sa Zamboanga City dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan noong nakaraang Oktubre.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )
Tags: bagyong Vinta, patay, ZAMBOANGA