35 kilo ng marijuana, nasabat sa isang apartment sa Cubao, QC

by Radyo La Verdad | September 11, 2018 (Tuesday) | 7084

Tinatayang nasa apat na milyong pisong halaga ng marijuana ang nasabat ng Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District Station-7 sa Cubao pasado alas nuebe kagabi.

Sa pamamagitan ng info text ng NCRPO, nagsagawa ng buy bust operation ang mga pulis laban sa mga suspek na nagbebenta ng marijuana sa Mary Grace Haven apartment sa Denver Street.

Arestado ang target ng operasyon na si Grenie Hierro, 37 anyos kasama ang live-in partner nito na si Lassery Ann Rayo at apat umanong drug courier.

Ayon sa isa sa suspek na si Grenie, nag-aarkila pa siya ng van papuntang Kalinga-Apayao upang kunin ang marijuana at ibabagsak sa kanilang mga parokyano sa Metro Manila. Nasabat sa mga suspek ang 27 rinolyo na marijuana, pitong bricks ng pinatuyong marijuana at drug paraphernalia.

Samantala, naaresto naman ang dalawang lalake at isang babae matapos silang mahulihan ng iligal na droga sa isang hotel sa Pateros kagabi. Kinilala ang mga suspek na sina Lance Grijaldo, Muriel Custodio at Ian Ponce na sinasabing pamangkin ng mayor ng Pateros.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Pateros police, nakatanggap sila ng ulat mula sa isang empleyado ng hotel na nag-aaway ang mga suspek dahil sa iligal sa droga, kaya agad rumesponde naman ang mga pulis.

Nasabat sa mga suspek ang nagkakahalaga ng 22,700 piso na kita nila sa pagbebenta ng droga at 30 gramo ng hinihinalang shabu. May nakuha ding maliit na notebook kung saan nakalista ang mga pangalan ng mga parokyano ng mga suspek.

Nabatid ng pulisya na kasama sa drug watchlist ang dalawa sa suspek na si Grijaldo at Ponce. Todo tanggi naman ang mga suspek na nagbebenta sila ng droga.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,