Mismong si dating Pangulong Benigno Aquino III at si Vice President Leni Robredo na kapwa opisyal ng Liberal Party (LP) ang nag-endorso sa unang batch ng kanilang mga senatorial candidates para sa 2019 senatorial elections.
Ito ay sina incumbent Sen. Bam Aquino, De La Salle College of Law Dean Jose Manuel “Chel” Diokno at si dating House Deputy Speaker Quezon Rep. Erin Tañada. Inanunsyo ang mga kandidato ng partido sa National Executive Council meeting ng LP.
Bitbit ng kanilang mga kandidato ang plataporma na pababain ang presyo ng mga bilihin, labanan ang paglabag sa karapatang pantao, libreng serbisyong ligal sa mga mahihirap at iba pa.
Aminado si Robredo na mahirap ang maging miyembro ng LP sa panahong ito dahil sa kaliwa’t kanang batikos ng kanilang mga kritiko. Dagdag pa rito ang mababang resulta ng LP sa survey.
Pero ayon sa pangalawang pangulo, noong 2016 elections ay mababa rin siya sa mga naunang survey pero nagbago ito pagdating ng aktuwal na eleksyon.
Posibleng sa ika-8 ng Oktubre bago ang filing ng certificate of candidacy (COC) ay ilalabas ng LP ang iba pa nilang senatorial candidate gaya ni dating Bangsamoro Transition Committee member Samira Gutoc.
Hindi pa tiyak ngayon kung kukumpletuhin ng LP ang 12 senatorial slate. Bukas din ang partido sa koalisyon.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: Liberal Party, senatorial candidate, survey