3 pulis sa Maynila, arestado dahil sa pagpapanggap na PDEA agent at pangongotong

by Radyo La Verdad | June 28, 2018 (Thursday) | 4593

Sermon ang inabot ng tatlong pulis mula kay NCRPO Chief Guillermo Eleazar matapos mahuli dahil sa pangongotong.

Agad tinanggal sa pwesto ni Eleazar ang tatlong pulis na kinilalang sina PO1 Radam Reyes Manglicmot, PO1 Edmar Dalusong Cayanan at PO1 Jeff-Pee Macapagal Calaguas na pawang nakatalaga sa Anti-Crime Unit ng Station 5 ng Manila Police District.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagpanggap na mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong pulis at hinuli ang siyam na indibidwal kabilang ang dalawang menor de edad sa U.N. Avenue dahil sa iligal na droga.

Subalit hiningan umano ng tatlong pulis ng tatlong daang libong piso ang mga ito kapalit ng kanilang paglaya.

Nagkatawaran ang mga pulis at mga suspek hanggang sa magkasundo sa singkwenta mil pesos.

Lumapit sa PDEA at Manila Police District (MPD) ang asawa ng biktima upang kumpirmahin ang pagkakaaresto sa kaniyang misis.

Dahil dito ay agad nagsagawa ng entrapment operation ang PDEA at MPD.

Nahuli ang tatlong pulis sa aktong inaabot sa kanila ng asawa ng biktima ang pera.

Tanggal din sa pwesto ang station commander na si Police Superintendent Emerey Abating dahil sa command responsibility.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang iba pang pulis na kasama sa panghuhuli sa siyam na drug suspect.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,