3 patay sa panibagong shooting incident sa Amerika; suspek patay din matapos magbaril sa sarili

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 49613

Tatlo ang nasawi, samantalang tatlo naman ang sugatan sa pamamaril ng isang female shooter sa isang rite aid distribution center sa Aberdeen, Maryland USA. Patay din ang suspek matapos magbaril naman sa sarili.

Naganap ang pamamaril Huwebes ng umaga sa Amerika. Kinilala ang female shooter na si Snochia Mosely, 26 na taong gulang na mula sa Baltimore County.

Batay sa mga ulat, isa itong disgruntled employee. Namaril ito sa labas ng gusali ng rite aid at sa katabing warehouse.

Nasa isang libo ang empleyado ng naturang pasilidad ayon sa company spokesman na si Pete Strella.

Nangyari ang pamamaril ilang milya ang layo sa Aberdeen Proving Ground, isang malaking army facility kung saan binubuo at sinusubok ang military technology.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms and Explosives mula sa tanggapan ng Baltimore gayundin ang FBI.

Nangyari ang shooting isang araw matapos mamaril ang isang lalake kung saan nasugatan ang apat kabilang ang isang police officer sa Pennsylvania court building.

Napaslang naman ang suspek ng mga tauhan ng pulisya ayon sa Pennsylvania State Police.

Agad namang inalerto ng embahada ng Pilipinas ang mga miyembro ng Filipino community sa Maryland at pinaiwas sa lugar ng insidente.

Sa pinakahuling ulat ng Department of Foreign Affairs, walang Pilipino na nadamay sa nangyaring pamamaril.

Tags: , ,