Dumulog na sa Department of Justice ang tatlong mangingisdang Pilipino na hinuli at minaltrato umano ng Malaysian Navy habang nangingisda sa karagatang sakop ng pilipinas sa West Philippine Sea.
Base sa salaysay nina Nelson Plamiano at Arlon Sandro ng Mariveles, Bataan at Teody Baisa ng Subic, Zambales, hinuli sila ng Malaysian Navy habang nangingisda sakay ng kanilang bangkang FB Shaneen Cole may labimpitong milya lamang ang layo sa detachment ng Philippine Navy sa Rizal reef noong May 9.
Pinagbintangan umano sila ng Malaysian Navy na pumasok sa teritoryo ng Malaysia.
Sapilitan umano silang pinasakay sa barkong pandigma ng Malaysia na Laksamana Tun Abdul Jamil at doon na sila pinosasan, pinaluhod, pinagtatadyakan at tinutukan ng baril ng may dalawampung mga tauhan ng Malaysian Navy.
Nais ng mga mangingisda na magsampa ng reklamo sa mga sundalo at sa gobyerno ng Malaysia.
Ngunit ang problema, hindi nila nakuha ang pangalan ng mga humuli at nanakit sa kanila.
Kaya’t susulatan na lamang ng DOJ ang Department of Foreign Affairs upang matulungan ang mga mangingisda.
(Roderic Mendoza/UNTV Radio)
Tags: Laksamana Tun Abdul Jamil, Malaysian Navy, West Philippine Sea