3 hinihinalang mandurukot at holdaper na nambibiktima ng mga estudyante sa Maynila, arestado

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 15505

Nasakote ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tatlong lalaking ito na suspek sa magkasunod na pandurukot at pangho-holdap sa dalawang estudyante sa Espanya Boulevard sa Sampaloc, Maynila kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Alvin Ramos, 23 anyos; Mark Wilson Casampol, 28 anyos at Alfred Mendoza, 37 anyos.

Nakita naman sa CCTV ang pagsunod ng dalawang suspek sa isa pang estudyanteng biktima na menor de edad, habang naghihintay ng masasakyan sa kanto ng P. Noval Street.

Nang pasakay na ang biktima ay sinabayan at inipit ito ng mga suspek at doon na umano dinukot ang cellphone ng estudyante.

Ilang sandali pa ay makikitang tila hinahanap na ng biktima ang kaniyang cellphone habang patay malisya naman ang mga suspek.

Matapos ang mga pangyayari ay agad humingi ng tulong ang mga biktima na nakatawag ng pansin sa mga rumorondang pulis.

Parehong cellphone ang nakuha sa mga estudyante bagaman hindi na narecover pa dahil tangay ng isa sa mga nakatakas na suspek.

Ayon pa kay Police Inspector Alombro, talamak ang robbery at holdap sa lugar kaya naman pinaiigting nila ang police visibility at pagroronda ng mga pulis sa lugar.

Itinanggi ng mga suspek ang panghoholdap at paggamit ng patalim bagaman inamin ng mga ito na dinudukutan lang ang kanilang mga biktima.

Nasa kustodiya na MPD ang mga suspek na mahaharap sa kasong robbery.

Patuloy pang tinutugis ng mga otoridad ang iba pang suspek at ang posibleng grupong kinabibilangan ng mga ito.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,