3 contenders para sa susunod na PNP Chief, nagpasalamat sa tiwala ni Presumptive Pres. Rodrigo Duterte

by Radyo La Verdad | May 18, 2016 (Wednesday) | 3268

CHIEF-PNP
Ngayon pa lamang ay nagpapaabot na ng pasasalamat ang tatlong opisyal ng PNP na pinangalanan ni Presumptive President Rodrigo Duterte na pinamimilian bilang susunod na pinuno ng pambansang pulisya.

Sa text message sa UNTV ng pinaka senior sa tatlo na si PMA Sandiwa Class of 1985 na si PCSupt. Ramon Apolinario, sinabi nitong ang pangulo ang nagtatalaga ng pinuno ng PNP kaya’t maiging hintayin ang desisyon nito.

Sa dalawang taong paglilingkod nito sa Davao mula July 2008 – Jan. 9, 2010, nakumpiska nila ang 16 na kilo ng high grade cocaine na nagkakahalaga ng P120M sa Maersk container van sa Davao pier.

Noong panahon din nya nakatanggap ng award bilang Best City Police Office ang Davao sa magkasunod na taon.

Ayon naman kay PMA Sinagtala Class of 1986 PCSupt. Ronald dela Rosa, handa naman siya para sa posisyon subalit hindi nya sigurado kung handa para sa kanya ang mga kriminal.

Sa pamuno naman ni Dela Rosa noong 2011-2013 sa Davao, na rescue ang kidnap for ransom victim na si Sally Chua at na neutralize ang Bye Bye Gang kidnap for ransom group, napatay ang Malaysian international terrorist at Jemaah Islamiya suicide bomber na si Fikrie, nabuwag ang baktin carnapping group at nabawasan ng 60% ang problema sa droga ng Davao sa pamamagitan ng inilunsad nitong programang “Oplan Tukhang”.

Ang Oplan Tukhang ay mula sa salitang tuktok- hangyo na ang ibig sabihin sa tagalog ay katok at pakiusap.

Sa operasyon na ito ay kinakatok ang mga suspected drug personalities at pinakikiusapang tumigil o umalis ng Davao.

Para naman pma hinirang Class of 1987 na si PSSupt. Rene Aspera, isang karangalan ang mapasama sa pinagpipilian ng pangulo at kung sino man ang mapili ay susuportahan nya.

Mapayapang election ang ipinagmamalaki ni Aspera noong naassign sya sa Davao mula Jan. 10, 2010 hanggang Jan.31, 2012, noon ay nahuli ang lahat ng suspek sa pagpatay kay SPO1 Rene Panganiban.

Kung susuriin, si Gen. Apolinario ang pinaka senior subalit pinakabata naman sa edad, Aug 8, 1962 ang kanyang kaarawan, May 7 naman si Col. Aspera habang si Gen. Dela Rosa naman ay January 1 ang pinakamatanda sa kanilang lahat.

Magkakaiba man ng batch sa Philippine Military Academy, pareho pareho naman ang taon ng kanilang kapanganakan at buwan lamang ang pagitan, sino man sa kanila ang mapili ay tiyak nang mawawalan na nang chance maging Chief PNP ang dalawang opisyal, dahil pare-pareho silang magre-retiro sa 2018.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: , , ,