250 OFWs mula sa hirap na sitwasyon, natulungang makauwi ng bansa

by Erika Endraca | August 30, 2021 (Monday) | 17743

METRO MANILA – Nakatakdang umuwi sa bansa ngayong ika-31 ng Agosto ang 250 OFWs mula sa Kuwait na nasa hirap na sitwasyon matapos humingi ng agarang tulong mula sa gobyerno.

8 sa mga OFWs ay kabilang sa Migrant Workers and Other Overseas Filipino Resource Center (MWOFRC), samantalang ang 170 ay mga domestic at company worker.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang OFWs ay mga tapos na ang kontrata, mayroong expiring exit visas, at mga biktima ng iba’t ibang employment contract related violations.

Sinagot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang ticket ng 50 OFWs at ang natira ay binayaran naman ng kani-kaniyang amo o kumpanyang pinagtrabahuhan.

Inaasahan ang pagdating ng mga ito sa bansa sa ganap na 4:50 ng hapon, ika-31 ng Agosto at sasalubungin ng mga representante ng gobyerno.

Pinagbigay-alam din ni Bello na tulad ng mga nakaraang natulungang mga OFW, ang mga manggagawang ito ay ihahatid ng flight QR 932, dadaan sa COVID-19 testing, at makakatanggap ng iba pang tulong tulad ng quarantine accommodation at mga serbisyong pang-transportasyon upang makauwi sa kani-kanilang pamilya at tirahan.

Nabigyan ng tulong ang mga OFWs na ito sa pamamagitan ng chartered flight arrangements sa Qatar Airways na inayos ng gobyerno.

Sinabi naman ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait na ang chartered flight ay tugon ng Department of Labor and Emplyment (DOLE) sa hiling ng mga OFWs na hindi makauwi sa pamamagitan ng regular flights.

“This is due to the current restrictions and daily seat cap for arriving Filipino workers in the country,” ani Labor Attaché Nasser S. Mustafa.

Pinuri rin ni Mustafa si Labor Secretary Bello sa walang sawa at masikap nitong pagtulong sa mga migranteng manggagawa na nasa mahihirap na kalagayan.

Samantala, inaprubahan naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang hiling ng DOLE na exemption para sa mga special flight.

(Evangelyn Alvarez | La Verdad Correspondent)

Tags: ,