25 libong cellular towers, uumpisahan nang itayo ng DICT katulong ang pribadong sektor ngayong taon

by Radyo La Verdad | July 27, 2018 (Friday) | 2802

Malapit nang masolusyunan ang problema sa mahinang communications signal sa bansa.

Ito ay dahil uumpisahan na ng Department of Information and Communications Technology at isang pribadong kumpanya ang pagtatayo ng karagdagang mga cellular towers.

25,000 na mga cellsites ang target maitayo ng mga ito sa loob ng pitong taon na tinatayang nagkakahalaga ng nasa isandaang bilyong piso ngunit walang gagastusin dito ang pamahalaan.

Ayon sa DICT, ang mga cellsites ay magsisilbing common tower na maaaring upahan ng Globe, Smart at ng papasok na ikatlong telco.

Makakatulong anila ito upang mapamura ang serbisyo ng mga telco dahil hindi na nila kailangang magtayo ng mga cellsites

Bawat cellular tower ay nagkakahalaga ng tatlo hanggang pitong milyong piso. Ang gastos sa pagtatayo nito ay binabawi ng mga telco sa kanilang mga consumer.

Pero ayon sa DICT, kahit maitayo ang 25,000 na cellsites, kulang pa rin ito para mapalakas ang signal maging sa mga liblib na lugar sa bansa.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit 25,000 lang ang cellsites sa bansa at mangangailangan pa tayo ng mahigit 50,000 na cellsites.

Ayon sa DICT, kakausap pa sila ng dalawa pang pribadong kumpanya na makapagtatayo ng mga cellsites upang mapunan ang kakulangan.

Samantala, limang kumpanya na ang nagpahayag ng interes upang maging ikatlong telco sa bansa.

Naghihintay na lamang ang mga ito na maisapinal ang terms of reference upang makapaghanda sa kinakailangang mga requirements.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,