Mga paratang ni Sen. Bongbong Marcos sa umano’y kaduda-dudang resulta ng bilangan sa VP race, ayaw nang palakihin ng PPCRV

by Radyo La Verdad | May 13, 2016 (Friday) | 1910

Henrietta-de-Villa
Hindi na nais pang palakihin ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang akusasyon ni Senator Bong-Bong Marcos hinggil sa umano’y kaduda-dudang resulta ng bilangan ng boto sa pagkabise presidente.

Paliwanag ng PPCRV, tinatanggap lamang nila ang bawat resulta ng automated election na pumapasok sa transparency server ng COMELEC.

Ayon pa kay PPCRV National Chairperson Henrietta de Villa, walang kinalaman ang PPCRV sa anomang computer command na ginagamit ng server.

Sinabi rin nito na may ilang political party na rin na kumukwestyon sa resulta ng bilangan ang nagtungo sa kanilang command center, kung saan ipinakita ng PPCRV kung gaano sila ka-transparent sa resulta ng botohan.

Sa ginanap na presscon nitong Myerkules ni Marcos sa pamamagitan ng kanyang abugado na si Atty.Francesca Huang, sinabi nito na may natanggap silang ulat na umano’y naco-corrupt o napasukan ng bagong script o computer command ang transparency server bandang alas dyes ng gabi noong Lunes, May 9.

Kaduda-duda umano ang naipasok ng computer command dahil lumalabas na pagkaraan nito ay unti-unti ng nabawasan ang lamang ni Marcos hanggang sa malamangan ito ni Congresswoman Leni Robredo madaling araw noong Martes, May 10.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: , ,