Kampo ni presumptive President Rodrigo Duterte patuloy ang pagbuo ng listahan ng cabinet members

by Radyo La Verdad | May 13, 2016 (Friday) | 4346

Peter-Lavina
Abala ngayon ang kampo ni presumptive President Rodrigo Roa Duterte sa pagbuo ng listahan ng gabinete sa gitna ng patuloy niyang pamamayagpag sa bilangan ng boto sa pagka-pangulo.

Ayon sa tagapagsalita ni Duterte na si Peter Lavina, patuloy na nilang pinag-aaralan ang mga taong maglilingkod sa ilalim ng Duterte administration, partikular na sa mga ahensyang mangangalaga sa seguridad ng sambayanang pilipino gaya ng Philippine National Police.

Kakatulungin rin ng kampo ni Duterte si Sen. Pia Cayetano sa pagpili ng mga magiging miyembro ng gabinete upang magkaroon ng gender balance.

Kabilang sa mga factor na ikinukunsidera sa mga taong magiging bahagi ng gabinete ay ang pagkakaroon ng iisang pananaw sa pagkakaroon ng tunay na pagbabago sa bansa, integridad, taglay na abilidad at ang nagawang personal sacrifices.

Samantala, may ugnayan na rin ang Duterte camp at kasalukuyang administrasyon para sa gagawing transition ng pamamahala.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, bumuo na rin ang Aquino administration ng transition committee na kinabibilangan ng mga pinuno ng National Economic Development Authority o NEDA, Budget and Management, Finance, Foreign Affairs, Public Works and Highways at ng Presidential Communications Operations Office.

Layon ng pagbubuo ng transition committee na maging maayos ang paglilipat ng kapangyarihan sa bagong administrasyon.

(Janice Ingente/UNTV NEWS)

Tags: ,