24-oras na operasyon ng MRT at LRT, ipinapanukala ng isang commuter group

by Jeck Deocampo | January 29, 2019 (Tuesday) | 13490

METRO MANILA, Philippines – Nais ng United Filipino Consumer and Commuters Group na gawing tuloy-tuloy ang biyahe ng mga tren ng MRT at LRT katulad sa ilang mauunlad na bansa gaya ng Estados Unidos, Japan at Australia.

Ayon kay RJ Javellana ang presidente ng grupo, matagal nang dapat na hinabaan ang operating hours ng MRT at LRT dahil sa dami ng mga pasaherong gustong makaiwas sa matinding traffic.

“Kung ako nga ang tatanungin…kung puwede sana 24 oras ‘yan. Pero dahil nga ito ay medyo eksperimento pa ang ginagawa mismo ng gobyerno dito sa mga sistema na ito, eh we are at the mercy ‘yung mga mananakay natin,” Ani ni Javellana.

Suportado rin ng nakararaming mga pasahero ang panukalang ito lalo’t marami anila ang madalas na nasasaraduhan ng MRT at LRT.

Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development noong nakaraang linggo, napag-usapan ang panukalang palawigin hanggang hating gabi ang biyahe ng mga tren.

Sa pahayag na inilabas ng Department of Transportation, sinabi ng ahensya na pagaaralan nila ang panukala. Subalit maraming mga bagay anila ang dapat na maikonsidera, gaya na lamang ng pagdaragdag ng mga tauhan at dagdag na gastos sa kuryente upang mapatakbo ang mga tren.

Posible ring mabawasan ang oras ng pagmimintina sa mga tren na ginagawa tuwing pagkatapos na huling biyahe. Ngayong huling linggo ng Enero, inaasahan na magsisimula na muling ang Sumitomo Heavy Industries bilang nagbabalik na maintenance provider ng MRT-3.

Kaalinsabay nito, ang rehabilitasyon ng riles at pagkukumpuni sa mga bagon na tatagal sa loob ng mahigit tatlong buwan.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , ,