Nagprotesta sa harap ng Department of Justice ang hacker group na Anonymous Philippines upang ipanawagan ang pagpapalaya sa kanilang kasamahan na si Paul Biteng.
Hinihiling ng grupo sa DOJ na iurong ang mga kasong paglabag sa Anti Cybercrime Law na isinampa kay Biteng dahil sa pag deface nito sa website ng COMELEC.
Giit ng grupo, maituturing lamang na isang graffiti ang defacement ng website at hindi ito hacking o pagnanakaw ng data o impormasyon.
Nais lamang umano nilang maipaabot sa COMELEC na madaling masabotahe ang kanilang website.
Si Biteng ang unang hacker na naaresto kaugnay ng pananabotahe diumano sa website ng COMELEC ngunit ayon sa NBI, ang ikalawang hacker na si Joenel de Asis ang umaming nagnakaw ng mahigit 340 gigabytes ng data mula sa COMELEC website at nag upload nito sa internet.
Hindi rin naniniwala ang grupo sa pahayag ng COMELEC na ligtas at hindi kayang i hack ang automated election system.
Ayon pa sa grupo, dalawang linggo na nilang itinigil ang pangha hack ng mga website ng pamahalaan at magtatagal ito hanggang sa matapos ang halalan.
Gayunman ay patuloy umano silang magmamatyag sa posibilidad na magkaroon ng dayaan at manipulasyon sa mismong resulta ng botohan.
(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)
Tags: Anonymous Philippines, Department of Justice, Paul Biteng