Walang dapat ipagpaalala ang mga kababayan natin sa Metro Manila sa pagdating sa ginagawang pagpapatupad ng seguridad.
Ito ang muling pahayag ng Malakanyang sa gitna na rin ng usapin ng terror threat ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, protektado ang taumbayan kung saan maaaring gawin ang kanilang normal na aktibidad na may kapanatagan partikular na sa Metro Manila kung saan sentro ng malalaking establisiyimento.
Noong Miyerkules ay sinabi ni Pangulong Aquino sa isang pahayag na tuloy ang opensiba ng pamahalaan laban sa bandidong grupo kung saan itinuturing niya itong isa sa pinakaseryosong problema.
Nagbabala rin ang pangulo sa mga kakampi o mga sumusuporta sa Abu Sayyaf Group na hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi natatapos ang banta ng terorismo ng ASG.
Ayon kay Secretary Coloma, ang pahayag na ito ng pangulo ay bunsod na rin ng pinakahuling naganap kung saan napaslang ang isang Canadian citizen na si John Ridsdel.
Sa kabila nito, nanawagan pa rin ang Malakanyang sa publiko na maging mapagmasid at patuloy na makiisa sa mga otoridad para sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: ASG terror threat, Malakanyang, Metro Manila, Seguridad sa Metro Manila