$235-M na pangakong investment, nakuha ni PBBM sa state visit sa Malaysia

by Radyo La Verdad | July 28, 2023 (Friday) | 3860

METRO MANILA – Aabot sa $235-M o nasa P12.7-B ang nakuhang pamumuhunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior mula sa Malaysian businessmen.

Bunga ito ng kaniyang ginawang pakikipagpulong sa mga negosyante sa Malaysia na bahagi ng kaniyang 3 araw na State Visit doon.

Ayon sa pangulo, nagpahayag ng interes na mamuhunan ang Malaysian business leaders sa food processing industry, multi- service digital platforms, aviation, logistics, manufacturing, infrastructure, water and waste water treatment sa Pilipinas.

Sa business forum na isinagawa sa Kuala Lumpur, inihayag ni Pangulong Marcos ang mga ginawang hakbang ng pamahalaan upang mapagaan at mapabilis ang pagnenegosyo sa bansa kabilang na ang paglikha ng green lanes.

Ibinida rin ng pangulo ang estado ng ekonomiya ng Pilipinas na nakapagtala ng 7.6% Gross Domestic Product (GDP) growth noong 2022.

Ayon pa kay PBBM, panahon na rin upang pumasok sa panibagong yugto ng relasyong pangkalakalan ang 2 bansa.

Ngayong gabi (July 28) inaasahan naman ang pagbalik sa bansa ni Pangulong Marcos mula sa kaniyang state visit sa Malaysia.

Tags: , ,