22-libong mga plaka kada araw, kayang iproseso ng bagong plate making-facility ng LTO

by Radyo La Verdad | April 25, 2018 (Wednesday) | 5408

Mula sa dating lumang pagawaan ng plaka, ito na ngayon ang pinakabagong plate making-facility ng land transportation office sa loob ng kanilang central office compound sa Quezon City.

Makikita dito ang pitong bagong manual embossing machine, hot foil machines at RFID machines na kaya umanong makagawa ng dalawampu’t-dalawang libong mga plaka sa loob lamang ng isang araw.

Dahil sa bagong plate making-facility, dito na mismo sa Pilipinas gagawin ang mga bagong plaka.

Dumadaan sa tatlong proseso ang paggawa ng bagong plaka. Mula sa mga blangkong plaka na gawa sa aluminum, ipapasok ito sa loob ng manual embossing machine.

Pagkatapos ay idadaan ito sa hot foil process, saka dadalhin sa packing at quality assurance bago ideliver sa mga car dealer at LTO Regional Offices.

Ayon sa LTO, limang minuto lang tatagal ang paggawa ng plaka gamit ang bagong makina.

Tampok sa bagong plaka ang pitong security features, kaya’t hindi ito madaling magaya o ma-iduplicate.

Samantala, inaasahan namang ma-idedeliver sa bansa sa Hulyo ang isang automated embossing machine na kaya namang makagawa ng labing dalawang libong plaka kada araw.

Sa ngayon ay sinisimulan nang iproseso ng LTO ang plaka ng mga bumili ng sasakyan mula Hulyo 2016.

Target naman ng LTO na masimulan ang pagre-release ng mga bagong gawang plaka sa buwan ng Agosto.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,