Kakulangan sa pasilidad para sa implementasyon ng K-12 program, patutunayan ng mga kumo-kontra dito

by Radyo La Verdad | March 18, 2016 (Friday) | 7818

KABATAAN-PARTYLIST
Dismayado ang Kabataan Partylist dahil hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang kanilang hiling na maglabas ito ng Temporary Restraining Order sa implementasyon ng K-12 program.

Sa ngayon ay inihahanda na ng Kabataan Partylist ang Motion for Reconsideration na ihahain sa Korte Suprema.

Kabilang sa mga nais patunayan ng grupo sa kanilang MR ay ang kakulangan ng gobyerno sa pasilidad, guro at paghahanda sa implementasyon ng naturang programa.

Dahil aniya dito mapipilitang pumasok ang mga estudyante sa mga private schools.

Kinuwestiyon rin ng grupo ang voucher system na ibinibigay sa mga estudyanteng papasok sa mga private school kung saan gobyerno ang magbabayad ng kanilang mga gastusin sa halagang P8,750 hanggang P22,000 kada taon.

Aniya dito ay mas lalo lamang kumikita ang mga probadong kumpanya.

Subalit una nang nanindigan ang DepEd na taong 2014 pa lang ay nagsimula na itong magpatayo ng mga karagdagang silid-aralan, upuan at libro para sa mga estudyante.

Nakapag-hire na rin ng karagdagang 40-libong guro na magtuturo.

Layunin ng K-12 program na makasabay ang Pilipinas sa international standard.

Sa mga bansa sa Asya ang Pilipinas ang pinakahuling bansa na nagpatupad ng K-12 program.

(Grace Casin/UNTV NEWS)

Tags: ,