Korte Suprema, pinanindigan ang utos na mag-isyu ang Comelec ng resibo sa mga botante

by Radyo La Verdad | March 18, 2016 (Friday) | 2096

THEODORE-TE
Sa pagdinig sa oral arguments kahapon, sinubukan pa ng Commission on Elections na kumbinsihin ang mga mahistrado sa anila’y magiging epekto ng pag iimprenta ng resibo sa darating na halalan, gaya ng pagka antala ng botohan at posibleng aberya sa mga makina.

Ngunit sa isinagawang demonstration ng Comelec, maayos namang gumana ang mga makina at hindi nagkaroon ng paper jam sa pag iimprenta ng mga resibo.

Kaya ang resulta, nanindigan ang Korte Suprema sa kanilang desisyon na mag isyu ng resibo ang Comelec sa mga boboto sa darating na halalan sa Mayo.

Ngunit ayon sa Korte Suprema, simpleng resibo lamang ang dapat ibigay sa mga botante gaya ng ipinakita ng Comelec sa demonstration kahapon.

Ibig sabihin, wala itong security features gaya ng oras ng pagboto, lugar kung saan bumoto, bilang ng presinto, ballot ID at hashcode.

Kaya’t hindi na kailangang baguhin ang source code at i-reconfigure ang mga makinang gagamitin sa halalan.

Ayon pa sa Korte Suprema, sa mga susunod na halalan na lamang maglagay ng security features sa mga resibong ibibigay ng Comelec.

Para naman kina Former Sen. Richard Gordon at Comelec Chairman Andres Bautista, wala ring silbi kung simpleng resibo lamang ang ibibigay ng Comelec dahil hindi naman ito magagamit sa random manual audit.

Magpupulong naman ang Comelec en banc ngayon araw upang pag usapan kung paano ipatutupad ang desisyon ng mataas na hukuman.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: , , ,