Special Investigation Task Group, binuo upang imbestigahan ang barilan ng mga pulis sa Eastwood Police Station

by Radyo La Verdad | March 17, 2016 (Thursday) | 2464

JOAN_QCPD
Posible maharap sa kasong murder o homicide ang dalawang pulis na sangkot sa pamamaril sa loob ng Eastwood Police Station kahapon depende sa magiging resulta ng imbestigasyon ayon sa Criminal Investigation Detection Unit ng Quezon City Police District.

Kaugnay nito, bumuo na ang QCPD ng Special Investigation Task Group upang magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon hinggil sa barilan.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagkabarilan sina SPO2 Teejay Valdez at PO1 Roll Smith Ducusin, kung saan tinamaan rin ng bala si SPO1 Arnel Fortez na umaawat lamang kina Valdez at Ducusin.

Sinasabing nagkaalitan sina Valdez at Ducusin dahil umano sa isyu ng attendance.

Nagtamo ng tama ng baril sa kanang braso si Ducusin at tinamaan naman sa tiyan si Valdez.

Dalawang bala ng baril naman ang tumama sa leeg ni fortez na tumagos pa sa kanyang mukha.

Agad na isinugod sa Quirino Memorial Medical Center ang biktima, ngunit pasado alas diyes kagabi ay binawian rin ito ng buhay.

Sa ngayon ay hawak na ng Criminal Investigation and Detection Unit si Ducusin habang nasa ospital pa rin si Valdez at Gwardyado.

Kasama rin sa iniimbestigahan ng CIDU ang mga baril ng dalawang suspek.

Kanina pormal na ring naghain ng reklamo sa QCPD ang asawa ni Fortez, ngunit tumanggi muna itong magbigay ng anumang pahayag.

Nangako naman ang pamunuan ng QCPD na bibigyan ng kaukulang assistance ang pamilya ng biktima.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,