Mga dapat amyendahan sa Anti-Money Laundering Law o AMLA, dapat ipaubaya na lamang sa susunod na kongreso ayon sa Malakanyang

by Radyo La Verdad | March 16, 2016 (Wednesday) | 2028

JERICO_COLOMA
Naniniwala si Presidential Communications Office Secretary Herminio Coloma Jr. na mainam na paubaya na lamang sa susunod na kongreso ang pag-amyenda sa Anti -Money Laundering o AMLA Law.

Aniya, wala nang natitirang sapat na panahon ang kongreso upang amyendahan pa ang nasabing panukala.

Sa pagdinig ng Senado na isinagawa kahapon, hindi matukoy ng AMLA Council kung saan napunta ang umano’y laundered na pera matapos itong dalhin sa tatlong casino pagkawithdraw sa RCBC Jupiter branch.

Ayon sa AMLA hindi nila maaring habulin ang mga casino dahil hindi sila basta-basta maaaring imbestigahan

Kaya naman nais ng ilan senador na maging parte ng planong pag-amyenda ang pagsasama sa mga kasino sa mga irerequire na magreport sa kanila ng mga kahinahinalang transaksyon.

Umaasa naman ang malakanyang na sa kabila ng mga ginagawang imbestigasyon ng senado ay mapapanatili ang integridad ng banking system ng Pilipinas.

Paliwanag ni Coloma, may mga sinusunod na patakaran na nilikha gaya ng Anti-Money Laundering Law at Anti-Money Laundering Council sa buong mundo hinggil sa integridad ng mga financial at banking transactions.

Isa rin sa ipinapanukala ng ilang senador ay tignan rin ang mga dapat pang amyendahan sa Bank Secrecy Law na ayon sa mga ito kadalasang nagiging dahilan kung bakit nakakalusot ang money laundering sa bansa.

Ayon naman sa palasyo matagal na nitong ipinapanukala na amyendahan ang naturang batas.

(Joms Malulan / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , ,