Taripa para sa good meat at offal, dapat maging pantay ayon kay Sen. Cynthia Villar

by Radyo La Verdad | March 16, 2016 (Wednesday) | 2102

Muling isinulong ni Senator Cynthia Villar na gawing pantay ang taripang ipinapataw sa mga pumapasok na good meat at offal o lamang loob sa bansa.

Sa ikalawang hearing ng senado kanina kaugnay ng uninspected and smuggled good meat at offal, sinabi ni Villar na dahil sa magkaibang taripang ipinapataw ay lumalaganap ang technical smuggling sa mga produktong ito.

35 percent ang taripang ipinapataw sa mga good meat samantalang 5 percent lang sa offal.

Sinabi ni Villar, dahil dito karamihan sa mga good meat ay idinedeklarang offal na nakakalusot naman sa Customs.

Ngunit paliwanag ng Tariff Commission, hindi nila maaring ibaba ito ng basta- basta.

Ayon naman sa Customs para tuluyang maiwasan ang technical smuggling ng mga good meat, dapat na boluntaryong i-waive ang Bank Secrecy Law na siyang ginagawang katwiran ng mga nagpapasok ng karne sa bansa nang sa gayon makita ng Customs ang tunay na value o halaga ng mga ito.

Sinabi ni Senator Cynthia Villar na sa oras na maisabatas ang Senate Bill No. 2923 o ang Anti Large-Scale Agricultural Smuggling Act, maari na ring kasuhan ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang dawit dito.

(Darlene Basingan/UNTV NEWS)

Tags: ,