PNP-HPG tutulong sa pagbabantay sa NLEX laban sa mga nambabato ng mga provincial buses

by Radyo La Verdad | March 15, 2016 (Tuesday) | 4698

BUS
Handang tugunan ng PNP Highway Patrol Group ang hiling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa pagbabantay sa North Luzon Expressway o NLEX.

Ito’y dahil na rin sa nangyayaring pambabato sa mga provincial buses na dumadaan sa NLEX partikular sa bahagi ng Pangasinan, Nueva Ecija at Cagayan.

Ayon kay PNP-HPG Director P/CSupt. Arnold Gunnacao, kasama sa mandato nila ang public safety kaya’t hindi sila magdadalawang isip na magdeploy ng tauhan sa mga lugar kung saan nangyayari ang batuhan.

Sinabi pa ni Gunnacao na minimum ng 10 tauhan ang itatalaga nila sa bawat lugar na magmumula sa mga Regional office ng HPG.

Hindi naman aniya ito makaaapekto sa regular na trabaho ng HPG.

Base sa datos ng LTFRB noong 2015, mayroong 23 insidente ng pambabato sa mga provincial buses sa Nueva Ecija, 148 sa Pangasinan at 25 sa Cagayan.

Dagdag pa ng heneral, tiyak na nababahala na ang mga pasahero at driver ng mga provincial buses na uuwi sa mga lalawigan sa Norte ngayong mahabang bakasyon kaya naman handa silang tumulong sa pagbabantay.

Sinabi rin ng pamunuan ng HPG na hindi maapektuhan ang operasyon nito sa EDSA ng pagtatalaga ng mga tauhan SA NLEX.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: ,