Walang nakikitang suliranin ang Department of Budget and Management para hindi maipasa ng Kongreso ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng 3.757 trilyong piso.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, maayos ang ugnayan nila ng Kongreso.
At bagama’t napaulat na isa si House Committee on Appropriations Chairperson Representative Karlo Nograles sa ikinukunsiderang maging susunod na cabinet secretary ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Diokno, wala itong magiging epekto sa pagpasa ng 2019 proposed national budget.
Sa ikatlong linggo ng Disyembre ay target na mapirmahan at tuluyang maisabatas ni Pangulong Duterte ang 2019 General Appropriations Act.
Samantala, iniulat naman ng kagawaran na ngayong taon, 96 porsyento na sa kabuuang pambansang pondo o 3.599 trilyong piso sa 3.767 trilyong piso na kabuoang budget ng pamahalaan para sa taong 2018 ang nai-release na ng DBM.
Kabilang sa mga major release ngayong buwan ng Oktubre ay ang 34 bilyong piso para sa implementasyon ng basic education program ng DepEd, 1.1 milyong piso subsidy para sa public utility modernization project at 6.7 bilyong piso para sa pension differential arrearages ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tiniyak naman ni Secretary Diokno ang tuloy-tuloy na transparency sa budget releases ng pamahalaan.
Naglabas din ang DBM ng pondo na nagkakahalaga ng 662.5 milyong piso para i-replenish ang quick response fund ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bahagi nito ay gagamitin para sa lugar na naapektuhan ng Bagyong Rosita sa Northern Luzon at iba pang paparating na kalamidad sa bansa sa nalalabing dalawang buwan. Gagamitin ang pondo sa pagbili ng mga food pack, relief supplies, cash o food-for work program, shelter assistance at standby fund.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )