20 mambabatas, pinakakasuhan ng malversation sa Ombudsman kaugnay ng anomalya sa pork barrel fund

by Radyo La Verdad | September 2, 2015 (Wednesday) | 1548

ATTY BALIGOD
Naghain ng reklamong malversation sa Office of the Ombudsman ang dating abogado ni PDAF scam witness Benhur Luy na si Atty. Levito Baligod laban sa dalawampung mambabatas na umano’y sangkot sa PDAF Scam.

Sinabi ni Atty. Baligod wala itong kaugnayan sa sampung bilyong pisong pork barrel scam na umano’y pakana ni Janet Lim-Napoles.

Kabilang sa mga inireklamo ang mga kasalukuyan at dating mambabatas na sina Edgardo Angara, Juan Ponce Enrile, Bong Revilla, Prospero Nograles, Alfonso Umali, Neil Tupas Jr., at Joel Villanueva.

Kasama rin ang ilang opisyal ng Commission on Audit at National Agri-Business Corporation na umano’y may partisipasyon sa mga ma-anomalyang transaksyon.

Paliwanag ni Baligod, malaki ang pananagutan ng COA dahil sa umano’y pagtanggap nila ng suhol upang makalusot ang mga dokumento na may kaugnayan sa scam.

Pinakakasuhan din ang umano’y nag-ala Janet Napoles na umaktong “service providers” katulad nina Nancy Catamco, Marilou Antonio, Lanie Asuncion at iba pa.

Ayon kay Baligod, dapat silang kasuhan ng malversation through falsification of public documents dahil sa pamemeke ng mga dokumento upang mai-proseso ang pdaf na nagkakahalaga ng mahigit 490 million pesos.

Ang reklamong ito ni Atty. Levito Baligod ay base sa apat na sworn affidavits ng mga testigo na nakakaalam sa mga maanomalyang transaksyon.

Dalawa sa mga ito ay kapwa akusado rin sa 10-billion pork scam case na ngayon ay dinidinig sa Sandiganbayan. ( Joyce Balancio/ UNTV News)

Tags: ,