2-peso per minute travel time rate na pamasahe, hindi ipinaalam ng Grab sa mga pasahero

by Radyo La Verdad | April 19, 2018 (Thursday) | 3557

 

Kinumpirma kahapon ni GRAB Philippines country head Brian Cu na ipinatupad nila ang two peso per minute travel time rate, lingid sa kaalaman ng mga pasahero.

Ang naturang fare structure ang sinasabing umano’y iligal na ipinapataw ng Grab sa kanilang mga pasahero o ang tinatawang na overcharging.

Una nang kinuwestyon at binatikos ni PBA partylist Representative Jerico Nograles ang naturang sistema, na ayon sa LTFRB ay hindi rin naipaalam sa kanila.

Subalit muling nilinaw ng Grab na lehitimo ang sistema at naayon sa department order ng LTFRB ang kanilang fare structure.

Paliwanag pa ng mga ito, kinakailangan nilang maipatupad ang two peso per minute travel time, upang makabawi sa kita ang kanilang mga driver at operator, lalo’t matindi anila ang problema sa traffic.

Dumipensa rin ang Grab sa mga reklamo na kumakalat ngayon sa social media sa umano’y pahirapang booking at mas mataas na singil sa pamasahe.

Hindi anila ito maiiwasan dahil mas lalo pang tumaas ang demand simula ng huminto na ang operasyon ng Uber.

Tiniyak naman ng Grab na mahigpit nilang minomonitor ang performance ng kanilang mga driver, at sinigurong papatawan ng kaukulang disiplina ang sinomang mapapatunayang nagsasamantala sa mga pasahero.

(Asher Cadapan, Jr. / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,