2 ‘tulak,’ patay sa buy-bust sa Cavite

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 4374

BACOOR, Cavite – Nauwi sa palitan ng putok ng baril ang isinagawang buy-bust operation ng Bacoor City police laban sa isang lalaki sa Barangay Molino Kwatro noong Sabado ng madaling araw dahilan upang mapatay ng pulisya ang suspek.

Kinilala ang napatay na si Michael Salac na napag-alamang kabilang sa mga bilanggong tumakas sa Bacoor City lock up cell noong ika-27 ng Hulyo.

Ayon kay Bacoor City Police Chief Superintendent Vicente Cabatingan, kabilang din aniya ito sa kanilang mga nahuling tulak ng iligal na droga noong nakaraang linggo. Narecover ng mga pulis kay Salac ang apat na pakete ng hinihinalang shabu, aluminum foil, kalibre bente dos na baril at mga bala.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagtugis ng otoridad sa anim na nalalabing tumakas na preso na pawang kabilang sa kasong iligal na droga.

Sa Kawit Cavite, patay rin sa isinagawang buy bust operation ng Kawit police ang isang lalaking kinilalang si Jason Matias matapos manlaban sa pulisya sa barangay potol noong Biyernes ng gabi.

Nakumpiska sa suspek ang nasa dalawampu’t isang pakete ng hinihinalang shabu at kalibre trentay otsong revolver na baril at mga bala.

Sa Silang Cavite naman, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng Silang PNP at isang lalaking lulan hinihinalang nakaw na motorsiklo sa Barangay Pooc noong Sabado ng madaling araw.

Sinita umano ng mga pulis si alyas Jojo ngunit agad itong nagpaputok ng baril dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis. Narecover naman sa suspek ang kalibre trentay otsong rovolver na baril at ang itim na motorsiklo gamit nito.

At sa Noveleta, patay rin ang isang lalaking tumangay ng motorsiklo sa Barangay Poblacion noong linggo ng madaling araw.

Dakong alas tres ng madaling araw ng agawin ng suspek na si Christian Abudi kay Darwin Encarnacion ang kaniyang motorsiklo ngunit agad na nakahingi ng tulong sa pulis ang biktima.

Nang makorner na si Abudi sa Barangay San Rafael Kwatro ay nagpaputok na umano ito ng baril dahilan upang gumanti ang mga otoridad.

Narecover sa suspek ang ginamit nitong kalibre trentay otsong baril, mga bala at ang motorsiklo na tinangay kay Encarnacion.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,