Patay ang isang drug suspect matapos manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng buy bust operation sa Barangay Poblacion, Sta. Maria, Bulacan kagabi. Kinilala ang nasawi na si Alyas Onad.
Patay rin sa isinagawang buy bust operation ng Bulacan police si Alyas Gipsay sa Barangay Look First, sa Malolos.
Ayon sa mga otoridad, nagpaputok ng baril ang suspek ng makahalata na mga pulis ang kaniyang ka-transaksyon. Nakuha kay alyas Gipsay ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, kalibre trentay otsong baril at 130 libong piso.
Natunton ng mga otoridad ang suspek matapos ituro ng tatlong lalaki na nahuli ng mga pulis sa aktong gumagamit ng shabu.
Arestado ang dalawang college student kahapon sa checkpoint sa Barangay Lasang matapos makuha sa kanila ang labintatlong bundle ng marijuana na nagkakahalaga ng 1.5 milyong piso. Kinilala ang mga nahuli na sina Shohei Figarom Kume, isang japanese at si Eliseo Cahero Esguerra. Ang dalawa ay galing sa Mati City, Davao Oriental.
Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcercement Agency (PDEA) ang nasabat na marijuana.
Arestado naman ang tatlong lalaki sa Tondo, Maynila kagabi matapos makuhanan ng marijuana. Dalawa sa kanila ay menor de edad habang ang isa ay kinilalang si alyas Jerome.
Una nang sinita ng mga pulis ang tatlo dahil walang suot na helmet habang nagmomotorsiklo. Pero dahil kahina-hinala ang kilos ng mga ito, nagsagawa ng karagdagang pagsisiyasat ang mga pulis.
Nakuha sa mga suspek ang nasa dalawang libong pisong halaga ng marijuana. Mahaharap si Jerome sa kasong paglabag sa Motorcycle Helmet Act of 2009 at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Itu-turn over naman ang dalawang menor edad sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: Bulacan, buy bust operation, patay