2 opisyal ng pamahalaan, pinagbibitiw sa pwesto ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 3080

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang opisyal ng pamahalaan na magsumite na ng kanilang resignation letter matapos mapaulat na sangkot umano sa katiwalian.

Ayon sa Malacañang, ito ay sina Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon at Public Works and Highways Assistant Secretary Tingagun Umpa.

Batay sa imbestigasyong isinagawa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), regular na nanghimasok umano si Macarambon sa mga pinaghihinalaang smugglers ng ginto at iba pang mamahaling alahas sa Ninoy Aquino International Airport.

Samantala sa salaysay naman ng DPWH, seryosong umabuso naman sa kaniyang katungkulan si Umpa at tumanggap umano ng komisyon sa ilang contractors sa ARMM.

Binigyang-diin naman ni Roque na nasa Office of the Ombudsman na ang katungkulang magsampa ng kaukulang kaso laban sa dalawang opisyal na isinasangkot sa katiwalian.

Ayon naman kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go, seryoso ang pangulo sa pangako nitong labanan ang kurapsyon at hindi ito magdadalawang isip na alisin sa pwesto ang sinumang opisyal kung masasangkot sa katiwalian.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,