2 miyembro ng HPG civilian auxiliary, arestado dahil sa pangongotong sa Batangas Port

by Radyo La Verdad | March 21, 2018 (Wednesday) | 2413

Sa halip na magbantay kung may pumapasok na mga carnap na sasakyan sa Batangas Port, pangongotong sa mga trucker sa pier ang tinatrabaho ng dalawang miyembro ng HPG civilian auxiliary dito.

Apatnapung piso hanggang isang daang piso ang hinihingi ng dalawa sa bawat truck depende sa karga nilang produkto.

Ayon kay PNP Counter-Intelligence Task Force Commander PSSupt. Chiquito Malayo, Setyembre pa noong nakaraang taon sila nakatatanggap ng sumbong hinggil sa pangongotong ng mga suspek.

Kagabi, isang entrapment operation ang isinagawa kung saan nagpanggap na truck driver ang isang pulis ng CITF.

Kinilala ang mga naaresto na sila Jonas Trazo at Michael De Torres Comia. Nakuha sa mga ito ang P100 marked money at P2,110 na koleksyon ng mga ito.

Iniimbitahan din ng CITF si PO3 Michael Angelo Bugayong na in-charge sa HPG Batangas Office para isailalim sa imbestigasyon.

Sasampahan ng kasong robbery extortion sina Trazo at Comia.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,