Inalis ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang Region 3 director ng National Food Authority (NFA) gayundin ang manager ng ahensya sa Bulacan.
Ito ang sinabi ng kalihim sa programang Get it Straight with Daniel Razon matapos ang isinagawang surprise inspection ng opisyal kamakailan sa Marilao, Bulacan.
Ayon sa kalihim, magkakaroon din ng reshuffle sa mga opisyal ng NFA. Natuklasan nito ang daang libong sako ng imported na bigas na nasa loob ng mga naglalakihang bodega.
Nauna nang inianunsyo ng Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng 250 libong pabuya sa mga makapagbibigay ng impormasyon sa mga nagtatago ng bigas. Bubuo naman ng task force ang DA para ikutin ang lahat ng mga bodega ng bigas sa bansa.
Ayon kay Piñol, pamumunuan ito ng head ng Internal Affairs Division ng DA na si retired Marine Colonel Danilo Luna. Kasama sa task force ang DILG, PNP, BOC at iba pang ahensya ng gobyerno.
Ayon sa kalihim, kukumpiskahin ang mga stock ng nagtatago ng bigas at kakasuhan ng economic sabotage kung saan maaaring makulong ito ng habang buhay.
Samantala, plano ng DA na ikalat ang Tienda Malasakit Store sa bawat siyudad at munisipalidad sa bansa. Bubuksan sa Biyernes ang Tienda Malasakit Store sa Taguig at centra office ng DA sa Quezon City Circle.
Mabibili ng direkta dito ang mga produkto ng mga magsasaka na mas mura kumpara sa presyo sa palengke. Patatakbuhin ito ng local government units (LGUs) sa pamamagitan ng grupo ng mga kababaihan.
Mag-iisyu naman ang LGU ng passbook sa mga residente para maiwasang pakyawin o bumili ng bulto sa mga produkto.
Giit ng kalihim na hindi problema ang supply ng pagkain sa bansa, kundi ang kung paano madadala ang mga produkto sa lugar na mas kailangan ito.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: Agriculture Sec. Piñol, Get it Straight with Daniel Razon, NFA