2 drug suspect sa Lucena City, patay sa buybust operation

by Radyo La Verdad | June 6, 2018 (Wednesday) | 4703

Patay ang magkapatid na Jerome Masalunga at alyas Eloy matapos umanong manlaban sa buybust operation ng Lucena City police sa barangay dyes kaninang pasado alas kwatro ng madaling araw.

Naaresto naman sa operasyon ang limang indibidwal na naaktuhan umanong gumagamit ng iligal na droga. Nakumpiska sa mga ito ang isang sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, isang kalibre .38 at isang kalibre .22 na baril.

Patay naman si roselle tolentino matapos manlaban rin sa mga tauhan ng Batangas police na nagsagawa ng anti-drugs operation kahapon.

Target ng operasyon ang isang grupo na nakunan ng video na gumagamit ng iligal na droga sa isang bahay sa Sta. Clara, Batangas City.

Pero sa halip na sumuko, tumakbo si Tolentino at pinaputukan ang mga pulis. Kilalang tulak ng iligal na droga sa lugar ang napatay na suspek. Itinanggi naman ng mga kasama ni Tolentino ang akusasyon.

Samantala, walong drug suspect rin ang naaresto ng Batangas police dahil sa pagbebenta ng iligal na droga sa parehong barangay.

Ayon sa Batangas PNP, mga dayo sa lugar ang karamihan sa mga ito.

Narecover sa mga ito ang isang kalibre kwarentay singko na baril, ilang sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Isang daang indibidwal naman ang nahuli ng Makati City police kagabi dahil sa iba’t-ibang paglabag.

Kabilang sa mga nahuli ang sampung menor de edad dahil sa paglabag sa ipinatutupad na curfew sa lungsod. Walo naman sa mga naaresto ay dahil sa iligal na droga.

Isinagawa ng mga pulis ang operasyon dahil sa dumadaming reklamo ng nadudukutan sa Burgos Triangle.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

Tags: , ,