2 batang babae, namatay matapos bakunahan ng Dengvaxia ayon sa Public Attorney’s Office

by Radyo La Verdad | December 20, 2017 (Wednesday) | 4899

Dalawang batang babae sa Bataan at Quezon City ang namatay umano matapos bakunahan ng Dengvaxia. Batay sa immunization record, binakunahan  ang sampung taong gulang na si Christine Mae de Guzman noong Abril ng nakaraang taon sa kanilang paaralan sa Sisiman, Mariveles, Bataan.

Makalipas ang anim na buwan, nagpositibo na ito sa dengue at namatay apat na araw matapos makitaan ng sintomas. Sa death certificate nito, nakasaad na severe dengue ang ikinamatay ng bata.

Namatay din ang grade 5 student sa Quezon City na si Anjielica Pestilos tatlong buwan matapos mabakunahan. Sa death certificate ni Pestilos, nakasaad na lupus ang ikinamatay nito. Pero ayon kay Doctor Erfe, sinuri nila ang records nito sa ospital at natuklasan na may mga palatandaan ito ng dengue.

Nagbigay na ng salaysay ang mga magulang ng dalawang bata at gagamitin ito sa kasong isasampa sa mga opisyal ng nakaraang administrasyon.

Nananawagan naman ang Volunteers Against Crime and Corruption sa NBI na agapan ang mga ebidensiya kaugnay ng Dengvaxia vaccination program.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,