2 araw na job fair, isinagawa ng TESDA

by Radyo La Verdad | August 27, 2018 (Monday) | 2197

Dating domestic helper si Alisa Ignacio. Tatlo ang kaniyang anak at isang security officer naman ang kaniyang asawa.

Sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), anim na buwan siyang nag-aral ng caregiving at ngayo’y naghihintay na lang ng pagkakataon upang makapaghanap-buhay sa Israel o Japan.

Higit aniyang malaki ang kaniyang maaaring kitain bilang isang caregiver kaysa pagiging domestic helper.

Si Roberto Rabina naman, 24 na taong gulang, isang rigger. Kumuha siya ng training sa pagiging mobile crane operator na iniaalok din ng TESDA sa loob ng 20 araw.

Mas magandang trabaho ang nais niyang makita upang makatulong sa pag-aaral ng kaniyang kapatid.

Ilan lamang sila sa tinatayang higit isang libong alumni at graduates ng TESDA na nagtungo sa job fair na inorganisa ng ahensya.

Bukod sa job fair, nag-aalok din ng iba pang training at financial loan assistance ang TESDA katuwang ang iba’t-ibang national agencies, employers at technical vocational institutions.

Layon nitong matulungan ang mga graduate at alumni ng TESDA na makapaghanap ng magandang trabaho.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello, mas pinaiigting pa ng TESDA ang pagtataguyod ng technical education at skills development programs nito dahil malaki rin ang pangangailangan ng pamahalaan ng mga skilled worker.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,