Iminungkahi ng isang mambabatas na ituro sa mga estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo ang sitwasyon at karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS) na inaangkin ngayon ng China.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, tulad ng ginagawa aniya ng China kaya lahat ng mga Chinese nationals ay pinaniwala na lahat ng isla sa South China Sea kasama na ang West Philippine Sea ay pag-aari ng kanilang bansa.
Ayon sa mambabatas, hindi tulad ng China, hindi alam ng mga batang Pinoy ang sitwasyon sa WPS at ano ang hawak na karapatan ng Pilipinas sa mga nabanggit na isla.
Dahil dito, panahon na umano na itinuro mula sa elementarya ito lalo na’t hawak ng Pilipinas ang mga dokumento na magpapatunay ng karapatan ng Pilipinas sa mga isla sa Spratly Islands.
Kabilang na sa mga education materials kung sakali ay ang United National Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) nagsasaad na ang 200 nautical miles mula sa pampang ay pag-aari ng isang bansa dahil sa umiiral na batas ukol sa exclusive economic zones.
Marami rin umanong mga dokumento mula pa noong panahon ng mga Kastila tulad ng mga lumang mapa na ang marami sa mga isla sa WPS ay pag-aari ng Pilipinas subalit hindi ito naituturo sa mga kabataan.
(UNTV RADIO)
Tags: Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, West Philippine Sea