1,911 aplikante, agad natanggap sa trabaho sa job fair ng DOLE kahapon

by Radyo La Verdad | June 13, 2018 (Wednesday) | 3192

Hindi natinag ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan ang mga jobseeker na nagtungo sa Independence Day job and business fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Senior Citizen’s Garden sa Rizal Park, Manila kahapon.

Gaya ni Mang Simplicio na bagaman may kapansanan ay nagbakasakaling makahanap ng trabaho.

Apat na taon nang hindi makalakad ng maayos si Mang Simplicio pero alas sais pa lang ng umaga nakapila na siya upang makapag-apply sa iba’t-ibang kumpanya.

Si Mang Gary naman, kailangang mag-sakripisyo para sa pamilya kaya’t  sinubukan nitong mag-apply muli bilang cook sa UAE.

Hindi naman nabigo ang ilan dahil agad silang natanggap sa trabaho o ang mga tinatawag ng DOLE na hired on the spot.

Gaya na lamang ng 20 taong gulang na nanay na si Christina na kinailangan munang iwanan ang dalawang buwang anak upang makahanap ng trabaho.

Batay sa ulat ng DOLE, as of 5pm kahapon, 1,911 na hired on the spot sa buong bansa sa kanilang isinagawang job fair.

Ayon naman kay DOLE Director Nikki Tutay, mas mababa ngayon ang hired on the spot na mga aplikante kumpara noong nakaraang taon na umabot ng mahigit dalawang libo.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,