Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa sanhi ng pagkahulog sa bangin ng Dimple Star bus sa Brgy. Batong Buhay, Sablayan, Occidental Mindoro alas nuebe kagabi.
Umakyat na sa labing siyam ang nasawi habang patuloy namang ginagamot sa Sablayan District Hospital at Mamburao Hospital ang dalawampu’t isang pasaherong sugatan; tatlo sa mga ito ay nanatiling nasa kritikal na kondisyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, galing San Jose ang pampasaherong bus at patungo sanang Abra de Ilog ng bigla umanong mawalan ng kontrol ang driver nito sa palusong na bahagi ng Highway.
Kinilala ang driver na si Arno Panganiban na kabilang sa mga dead on the spot sa aksidente. Tinatayang nasa 15 hanggang 20 metro ang lalim ng bangin.
Sa ngayon, anim pa lang mula sa labing siyam na nasawi ang kinilala na ng mga otoridad.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga otoridad sa mga kaanak ng mga biktima.
( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )
Tags: bangin, Occidental Mindoro, patay