Siniguro ng Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon ng pagbabago sa format ng susunod na presidential debate.
Ito’y bunsod ng mga naglabasang puna sa unang debate na idinaos noong Pebrero 21 sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ilan sa pinag-aaralan nilang baguhin ay ang ‘time limit’ na ibinibigay sa mga presidential candidate.
Pahahabain umano ito para mas mabigyan ng pagkakataon ang mga pre¬sidentiable na makapagpaliwanag sa mga isyung ibinabato sa kanila.
Gayunman, ipauubaya pa rin aniya ng Comelec sa lead organizer ang pagtatakda ng bagong format upang maging akma ang mga ito sa manonood.
Ang ikalawang presidential debate ay itinakda ng Comelec sa Marso 20 sa UP Cebu (Visayas) habang ang ikatlo o panghuli naman ay idaraos sa University of Pangasinan sa Dagupan City (Luzon) sa Abril 24.
(UNTV NEWS)