COMELEC, inatasan ng Korte Suprema na magbigay ng comment sa petition for mandamus sa pagbibigay ng voter’s receipt

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 1936

SUPREME-COURT
Limang araw ang ibinibigay ng Supreme Court sa Commission on Elections upang sagutin ang sa petisyong isinumite kahapon ng dating senador na si Richard Gordon at ng Bagumbayan-VNP Movement.

Kahapon, nagsumite ng petition for mandamus si dating Senador Richard Gordon upang atasan ng Korte Suprema ang COMELEC na paganahin ang feature na voter verification paper audit trail o voter’s receipt sa mga voting machine para sa May 9 national elections.

Pinunto ni Gordon na ang pagkakaroon ng resibo ng pagboto ay patunay na nabilang ng tama ang mga boto.

Aniya, base na rin ito sa nakasaad sa batas upang mapanatili ang integridad ng halalan na kinakailangan ang voter verified paper audit trail bilang isa sa mga minimum system capabilities ng automated election system.

Una nang sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na nakahanda itong panindigan sa Korte Suprema ang posisyong disadvantageous ang pagkakaroon ng voter’s receipt.

Ayon pa kay Bautista, hindi basta-basta ang naging desisyon ng COMELEC na i-disable ang feature na voter verified paper audit trail dahil nagsagawa ang komisyon ng serye ng mga pag-aaral at konsultasyon sa iba’t ibang sektor.

Samantala, dinismiss ng Korte Suprema ang mga petition ng limang idineklarang nuisance candidates sa pagka-pangulo at senador ng COMELEC.

Tinanggihan din ng Supreme Court ang petisyon para mairehistro at kilalanin ang apat na Party-list para sa 2016 elections.

Denied with finality na rin ang kanselasyon ng certificates of candidacy at registration ng pito pang ibang party-list organizations.

(Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , ,