18 patay, 187 sugatan sa train accident sa Taiwan

by Jeck Deocampo | October 23, 2018 (Tuesday) | 5156

YILAN, Taiwan – Umabot na sa 18 ang kumpirmadong patay at 187 naman ang naitalang sugatan kabilang ang 10 na nasa malubhang kondisyon dahil sa pagkadiskaril ng isang tren sa Taiwan noong Linggo ng hapon.

 

Ayon sa ulat ng Yilan County Fire Bureau, walang dayuhan na kasama sa mga nasawi o malubhang nasugatan maliban lamang sa isang Amerikana na nagtamo ng minor injury.

 

Alas-4:50 ng hapon, araw ng Linggo nang ma de-rail ang Puyuma Express train papuntang Taitung. Sakay ng tren ang nasa 366 na pasahero pabiyahe mula Shilin, New Taipei papuntang Eastern Taiwan. Lima sa walong bagon ang bumaliktad sa Xinma station.

Kalalagpas lang ng Loudong station papuntang Yilan station ang nasabing tren nang biglang nadiskaril. Ayon sa Taiwan Railway Administration (TRA) ay anim na taon pa lamang ang nasabing tren at katatapos lang maintenance check noong nakaraang taon.

 

Kaninang umaga ay personal na ininspeksyon ni President Tsai Ing Wen ang lugar ng aksidente. Dinalaw rin ni Pangulong Tsai ang mga nasugatan na kasalukuyang nasa ilang ospital sa Yilan.

Sa kasalukuyan, balik na sa normal na biyahe ang mga tren sa Eastern Taiwan subalit patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad ang naging sanhi ng aksidente.

 

Ulat ni Amiel Pascual | UNTV News

Kuha ni Dave Mark Meguiso | Photoville International

Tags: , , , , , , ,