Maiiwang malaking utang ng bansa sa ilalim ng administrasyong Aquino, dinepensahan ng Malacanang

by Radyo La Verdad | February 23, 2016 (Tuesday) | 3013

FDC
Inihayag ng Freedom from Debt Coalition o FDC na mas malaki ang halagang nautang ni Pangulong Aquino kumpara noong panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Batay sa inilabas na datos ng FDC, aabot sa 6.4 trillion pesos ang outstanding debt o utang na iiwan ni Pangulong Aquino sa bansa.

P4.16 trillion ng nasabing halaga ay hiniram sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Kung kukuwentahin, nasa mahigit 62 thousand and 235 pesos utang ng kada pilipino.

Nagpaliwanag naman ang Malacanang kaugnay ng naturang isyu.

Sinabi ni Manuel Quezon the third na nabawasan na nga sa ilalim ng administrasyon Aquino ang lumang utang ng bansa.

Ito ay dahil sa pag-angat ng credit ratings ng bansa na nagresulta naman sa mas mababa ang interes at mas madaling mga kondisyon para dito.

Paliwanag pa ni Quezon, sa ngayon ay may kakahayahan na rin ang bansa na magbayad ng utang at dalhin sa magagandang proyekto at programa ang halagang inutang nito.

Matatandaang nauna nang sinabi ni Finance Secretary Cesar Purisima na mas lumiit ang debt burden ng Pilipinas.

Naging mas maayos din anya ang pagmamanage nito ng deficit na nagresulta sa mas kaunting kontribusyon ng borrowings o utang sa GDP ng bansa.

(Darlene Basingan/UNTV News)

Tags: