Grab taxi driver na naging viral sa social media dahil sa pagtulong sa mga pulubi, pinarangalan ng LTFRB

by Radyo La Verdad | February 17, 2016 (Wednesday) | 12988

LTFRB
Nakilala kamakailan sa social media ang 25 anyos na grab car driver na si Carlo Santiago-Diaz matapos i-post sa facebook ng kanyang pasahero na si Gelica Manuel Tulauan ang kanyang natuklasan tungkol sa tsuper.

Kwento ni Gelica sa kanyang post, sumakay siya sa grab car ni Diaz kasama ng isang kaibigan sa Cubao at nagpahatid sa Moriones, Tondo.

Habang binabagtas ang Pedro Gil St, sinabi ng driver na may dadaanan lang sya sandali at nang huminto ang sasakyan sa isang madilim na bahagi ng kalsada, dito na natakot si Gelica.

Gayunman, laking gulat niya nang makita na inabutan ni Diaz ng supot na may lamang pagkain ang isang matandang nakahiga sa kalsada.

Kumalat sa social media ang pagtulong ni Carlo sa mga pulubi hanggang ipinatawag ito ng LTFRB upang bigyang ng parangal sa kanyang mabuting gawain.

Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez nagdesisyon silang parangalan si Carlo upang magsilbing halimbawa at tularan pa ng ibang mga driver.

Ayon kay Carlo madalas nilang ginagawa ng kanyang kasintahan ang pagbibigay ng pagkain sa mga pulibi sa kalsada.

Mismong ang kanyang nobya pa ang naghahanda at nagluluto ng mga ito.

Gusto anilang ibahagi sa iba ang kanilang mga biyayang natatanggap at masaya ang kanilang kalooban sa tuwing nakatutulong sa mga taong walang magkain dahil sa hirap sa buhay.

Ayon kay Carlo, wala silang larawan o video ng kanilang mga ginagawa dahil mas gusto nilang walang nakaka-alam o pribado.

Sa gitna ng mga negatibong balita tungkol sa pang-aabuso, pagnanakaw o pananamantala ng ilang cab driver sa kanilang mga pasahero patunay lang si Carlo na may mabubuting tao pa rin na maaring pagkatiwalaan at handang tumulong sa kapwa.

(Grace Casin/UNTV News)

Tags: ,