Sa botong 7-0 tuluyan nang nagdesisyon ang Commission on Elections na huwag nang paganahin ang feature ng Vote Counting Machine na mag-iimprenta ng resibo para makita ng botante kung tama ang interpretasyon ng makina sa kaniyang boto sa balota.
Sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System, sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na mas matimbang ang nakita nilang disadvantages kumpara sa advantage ng pag-iimprenta ng mga resibo.
Aniya bagama’t malaking bagay sana sa pagsusulong ng transparency and accuracy kung may resibong makikita ang mga botante, maaari naman itong magamit sa vote buying.
Magdudulot din ito ng lalong pagbagal ng proseso dahil makakadagdag ng 5 hanggang 7 oras sa voting time ang pag imprenta at pagbasa ng botante sa resibo.
Samantala patuloy pa ring pinagaaralan ng COMELEC kung gagamitin ang isang feature ng VCM na onscreen verification kung saan ilalabas sa screen ng makina kung sinu-sino ang binoto ng isang botante.
Pero sa inisyal na deliberasyon ng COMELEC En banc 4 – 2 ang naging botohan kontra sa paggamit ng onscreen verification.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: COMELEC, resibo, vote counting machines