Mga senior citizen kasama ang iba pang grupo, nagkilos protesta sa Cebu City vs SSS pension hike veto

by Radyo La Verdad | January 29, 2016 (Friday) | 2290

GLADYS_SSS-HIKE
Pursigido ang mga kababayan natin dito sa Cebu na maiparating sa Social Security System at sa Pamahalaan ang kanilang pagtutol sa ginawang pag-veto ng Pangulong Aquino sa 2,000-pesos pension increase.

Kahapon kasama ang iba pang grupo, hindi alintana ng mga lolo at lola ang maulan panahon at itinuloy pa rin ang pagsasagawa ng kilos protesta sa harap ng SSS Office dito sa Cebu.

Ayon kay Bayan Central Visayas Coordinator Jaime Paglinawan, nais nilang ipakiusap sa mga mambabatas sa lalawigan ng Cebu na sumali sa huling sesyon ng Kongreso at pumirma sa resolusyon na naglalayong maoveride ang desisyon ng Pangulo.

Umaasa ang mga senior citizen dito sa lungsod sa dagdag na pensyon ng SSS dahil malaking tulong ito lalo na sa mga matatanda na walang source of income.

Dagdag pa ng mga ito, hindi sumasapat ang kasalukuyang natatanggap na pensyon dahil sa mahal ng bilihin at gamot kahit na may discount pa sila.

Nasa animnapung senior citizen ng Cebu City ang nag-sagawa ng kilos protesta kasama ang ilang grupo tulad ng Piston at Bayan Central Visayas.

(Gladys Toabi / UNTV Correspondent)

Tags: , ,