Mga kabataan sa rehab center sa Pampanga, napaglingkuran ng MCGI at UNTV

by Radyo La Verdad | August 13, 2018 (Monday) | 3825

Isandaang mga kabataang lalaki ang kinakalinga sa Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) sa Brgy. Ayala, Magalang Pampanga.

Isa ito sa labing limang rehabilitation center sa bansa na nangangalaga sa mga menor de edad na nagkakasala sa batas sa murang edad.

Dito tinuturuan at hinuhubog ang mga batang nalihis ng landas na makapagbagong-buhay, maging responsableng kabataan at makapag-aral upang maging produktibo habang on going ang kanilang kaso sa korte.

Ngunit problema ng pamunuan ng RRCY ay ang kalusugan ng mga kabataan dito.

Wala umanong kapasidad ang rehabilitation center na maipagamot ang lahat ng mga ito dahil malaking halaga ang kakailanganin.

Kaya naman nang humiling ang mga ito ng medical mission sa Members Church of God International (MCGI) at UNTV ay agad itong tinugon ng grupo.

Kasama rin sa nakapag-avail ng libreng serbisyo ang ilang mga kabataang babae mula sa Haven Center na biktima naman ng iba’t-ibang pang-aabuso.

Sa kabuuan, umabot sa 144 ang naging benepisyaryo  ng medical mission.

Nagsagawa rin ng bible study sa lugar upang makapakinig ang mga kabataan ng salita ng Dios.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,