Secure & Fair Election o SAFE 2016, pormal nang inilunsad

by Radyo La Verdad | January 11, 2016 (Monday) | 19289

NAMFREL
Pormal nang inilunsad ng DILG, PNP, DND, AFP, Comelec, DepEd, Namfrel, PPCRV at iba pang grupo ang programang Secure and Fair Election o SAFE 2016.

Sinimulan ang kick off ceremony sa pamamagitan ng isang unity walk na nilahukan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Lumagda din ang mga ito sa isang integrity pledge board bilang simbolo ng pagtutulungan para sa isang ligtas, mapayapa at patas na halalan sa pamamagitan ng masusing pagbabantay.

Samantala sa pagsisimula ng election period, epektibo na rin ang nationwide gun ban.

Bilang bahagi nito, naglagay ng checkpont ang PNP sa iba’t ibang lugar sa bansa partikular sa mga may mataas na election related incidents

Nanguna sa pagsasagawa ng checkpoint sina PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, NCRPO Chief P/Dir. Joel Pagdilao at Comelec Chairman Andres Bautista.

Ang grupo ay nagsimula sa kahabaan ng Katipunan Ave sa harap ng Quirino Hospital, sa bahagi ng C5 sa tapat ng Tiendesitas at sa may Kalayaan Ave. sa may bahagi ng Makati City.

Paalala ng PNP sa mga motoristang mapapadaan sa mga checkpoint na tumigil, ibaba ang bintana ng sasakyan at magkusa nang buksan ang ilaw sa loob upang madaling makita ng checkpoint officer.

Kung walang violation na nakita ang mga pulis, hindi maaaring pabuksan ang trunk o halughugin ang loob ng sasakyan.

Lagi ding tandaan na kailangang nasa maliwanag na lugar ang checkpoint.

May signage kung saan nakasulat rin ang pangalan at numero ng opisyal at Comelec representative

Pinamumunuan ito ng isang opisyal at nakasuot ng uniporme ang lahat ng mga nagsasagawa ng checkpoint.

Kung may mapapansing paglabag, payo ng PNP, kuhanan ng video o litrato at agad na ipadala o isumbong sa pnp headquarters sa Camp Crame.

Ang Comelec checkpoint ay tatagal hanggang June 8, 2016.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: , ,