14 na Senador lumagda sa resolusyon na naghahayag ng suporta sa liderato ni Senate President Vicente Sotto III

by Erika Endraca | June 4, 2019 (Tuesday) | 6295

MANILA, Philippines – Iniikot ni senator Manny Pacquiao sa kaniyang mga kapwa senador ang isang draft resolution na naghahayag ng suporta para sa pananatili ng liderato ni Senate President Vicente Sotto III kahapon (June 3) sa sesyon sa senado.

Sa kalagitnaan ng pagkalap ng lagda, nilapitan ni Senator Cynthia Villar si Senator Pacquiao. Nilinaw ni Senator Villar na hindi siya galit nang nilapitan niya si Pacquiao.

Nagpapaalala lamang aniya siya sa problema ng partido na kinabibilangan ng senador na partido demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN).

“Kaya sinasabi ko sa kanila ayusin nila yung partido nila there’s something wrong there, tapos ako madadamay, infairness to those people, ayusin nila because they are incoming senators” ani Sen. Cynthia Villar .

Tumanggi nang sumagot ang senadora tungkol sa isyu na kinausap siya ni Senator-elect Francis Tolentino kaugnay ng senate presidency.

Sa huli sinabi niya na handa siyang lumagda sa nasabing resolusyon sa oras na maayos ang gusot sa kaniyang partido.

“Kung makausap sila at maayos sila, im willing to sign” ani Sen. Cynthia Villar

Wala namang sama ng loob si Pacquiao sa nangyari sa plenaryo. Wala aniya siyang alam sa problema ng kaniyang partido.

Maliban pa rin sa isyu ng mga mamumuno sa mga komite na nakatakdang resolbahin at isapinal ng supermajority bloc sa kanilang pagpupulong sa June 5.

Walang pinipiling panahon ang pagpapalit ng liderato sa kongreso. Ang mahalaga ay makakalap ng mayorya o mahigit sa 13 boto ang isang senador upang mapalitan niya ang kasalukuyang senate president.

Ang nasabing resolusyon nina senator Pacquiao at Lacson ay itinuring na political move. Ayon kay senator Pacquiao, ayaw lamang nilang magkaroon pa ng maraming isyu sa senate presidency pagpasok ng 18th congress.

“Kapag papasok ang next congress, nagreready kaagad na hindi na mahabang debatehan” ani Sen. Manny Pacquiao

Sa kabila ng mga isyu ng mga grupo sa senado, inihayag na ng mayorya ng mga senador na mananatiling independent pa rin ang senado.

(Nel Maribojoc | Untv News)

Tags: ,