Bagama’t maraming pasahero na ang nakabalik sa Maynila mula sa mga probinsya matapos ang nagdaang December 24 at 25 holidays, marami pa rin naman ang ngayon pa lamang luluwas para sa mahabang bakasyon.
Unti-unti nang dumaragsa ang mga pasahero sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA ngayong myerkules.
Umaga pa lamang ay marami na ang nakapila sa labas ng airport at sa check-in counters ng domestic at international departures sa NAIA Terminal 3.
Ngayong myerkules hanggang bukas inaasahan ng Manila International Airport Authority o MIAA ang bulto ng mga pasaherong uuwi sa mga probinsya para sa pagpapalit ng taon at maging ang mangibang-bansa.
Batay sa datos ng MIAA, umabot na sa halos tatlong milyong pasahero ang dumating at umalis sa lahat ng terminal ng naia mula disyembre a-uno hanggang a-bente nueve.
Samantala, sa takot na mabiktima ng tanim bala scam, may ilan pa ring mga pasahero na binalutan ng plastic o cling wrap at duct tape ang kanilang bagahe.
Ngunit ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group, wala pang naitatalang insidente ng tanim bala sa paliparan ngayong kasagsagan ng holiday rush.
Sa kabila nito, patuloy naman ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa paliparan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Nagdagdag na ng cctv cameras sa strategic areas ng paliparan.
Nakapaligid din sa airport ang ilang help desk upang tumulong sa mga biyahero.
Paalala lamang sa ating pasahero agahan ang pagpunta sa airport at huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay upang maiwasan ang anumang abala.
(Bianca Dava/UNTV News)
Tags: Manila International Airport Authority, NAIA, Ninoy Aquino International Airport, Philippine National Police Aviation Security Group
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com