Nagpaabot ng simpatya at pakikiramay ang Malacañang sa pamilyang naulila ng OFW na si Joselito Zapanta matapos itong bitayin sa Saudi Arabia dahil sa kasong murder with robbery sa isang Sudanese national noong 2009.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr., sa kabila ng pagpupursige na mailigtas ang buhay ni Zapanta, hindi na pinagbigyan aniya ang hiling na awa at kapatawaran kaya hindi na rin napigil ang execution nito sa ilalim ng batas ng Saudi Arabia.
Itinuloy ng gobyerno ng Saudi ang pagbitay kay Zapanta dahil sa kakulangan ng blood money.
Sa kabila nito, nanawagan ang Malacanang sa mga Pilipinong nangingibang bansa na sumunod sa ipinatutupad na batas sa bansang kanilang pinagtatrabauhan.
Tiniyak naman ng pamahalaan ang patuloy na suporta at tulong sa mga OFW sa pamamagitan ng mga itinalagang kinatawan ng ating bansa.
(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)
Tags: OFW, Saudi Arabia